87 sa Values at Econ, 80 sa Trigo, 89 sa Lit… Mga patapong grade para sa isang honor student.
Kauuwi lang ni Maria galing paaralan, mabigat ang pakiramdam. Naging masalimuot ang araw dahil sa tambak-tambak na requirements at pagsusulit na ibinibigay ng mga guro na siguro sadyang tamad lang talaga na puro pagchecheck at pagrerecord na lang ang gustong atupagin na ayaw na nilang magturo. Documentary report sa Values, annotated bibliography sa English, oral recitation naman sa PE (biruin mo pati doon). Meron pang opinion column para sa school paper, choral recitation practice, pati meeting para sa group project.
Bigla niyang naalala ang gawaing upuan nila sa Physics kanina. Pumunta sa laboratoryo ang klase. Ang leksyon? Buoyancy, at kahit anong pagiintindi ni Maria ay talagang hindi niya maintindihan ang ang relasyon ng bigat ng displaced liquid at buoyant force. Kaya matapos ng lab activity ay siya na lang ang naiwan, tinatapos pa ang lab report. Bagama’t andun pa at naghihintay ang mga kagrupo niya, hirap naman silang umupo lang.
“Huy wait, paano ito? Ano ba dapat ang objective?”
“Ito oh. Kasi the buoyant force is directly proportional to the… *(^#%%#$@6… ” blah blah blah…
“…Ha?”
“Ay nako. Ganito oh, *!~!*&#&$%#!@@LikeDuhBakitHindiMoPaRinGets%*(#…@$$^@!… Gets mo na?”
“Ah. Oo, pwede na.”
“Grabe, gutom na talaga ako! Caf tayo later ha?”
“Oo, siyempre. Hungry na gad ako! Di pa ‘ko nageat lunch kanina kasi I was studying for the quiz man. (lumingon kay Maria) Kasi naman Maria! Bilisan mo na!”
Sinabitan ito ng isang ngiti. Batid ni Maria na biro lang ‘yon, pero…
“Hindi, sige mauna na kayo.”
“Sus, okay lang. We’ll wait for you. (lumingon sa katabi) Ano kayang masarap kainin mamaya?”
Paguwi ni Maria ay tinapon niya agad ang bag niya sa isang upuan sa sala. Sumama siya sa bag niya, at ipinikit ang mga mata.
Anak ng patis, may ipiprint pa pala ako.
Hand out sa Literature. May long quiz pa pala bukas. Dapat pala pati etymology ng ‘skimming’ at ‘scanning’ kailangang pag-aralan.. Pero sige, kailangan. Kailangang maganda ang grado ni Maria. Kailangang makapasa sa magandang kolehiyo si Maria. Kailangang maging magaling na doktor si Maria. Kailangang maging mayaman si Maria.
“Ma, narefill na yung ink?”
Lumabas ng kusina ang kaniyan ina, pawis na pawis at mukhang pagod mula sa maghapong pagluto.
“Ay nako, hindi pa noh. Kasi naman yung… ano ba yon? Basta yung paglalagyan niya, ano yon, natuyo na raw. Sabi ni Kuya mo Danding…”
Wala nang pinakinggan si Maria.
“HA??? BAKIT NAMAN HINDI PA NAKABILI?! Grabe naman, ilang araw na yan eh!”
“Eh natuyo na nga raw. Bibili na lang bukas ng bago.”
“Ano ba yan! May gagawin pa ako eh!
“Bakit ka ba nagagalit?!”
“May ipiprint pa nga ako!”
“E di maginternet cafe ka diyan sa baba!”
Pumasok siya ng kaniyang silid, bigo.
Walang ibang narinig ang dalaga kundi ang mga hiyaw at pagmamaktol niya, gulong-gulo at hirap na hirap ang isipan. Hinila niya ang kaniyang buhok. Bakit pa kasi hindi nakabili ng ink. Putang ina nga naman talaga, oo. Bakit ba? Ink lang naman diba? Ink lang!
Sumikip ang dibdib niya; hindi siya makahinga. Hindi niya mapigilan ang pagluha.
Ang ink… Paano na ‘yan? Paano yung handout? Buwisit na buhay na ito.
Hindi niya maintindihan kung saan nanggagaling ang galit na iyon, pero galit siya. Galit na galit, hilung-hilo, gulong-gulo. Parang batang iniwan ng nanay niya, parang asawang namatayan ng asawa, parang paring nakipaghalikan sa kapwa niyang madre. Sumandal sa dingidng si Maria.
Bakit ba ang tanga-tanga ko?
Dinausdos niya ang likod pababa ng dingding.
Ang tanga-tanga ko! Boba, boba…
Humiga sa sahig si Maria, luhaan at bigo.